Pinaratangan kahapon ng grupong Karapatan, isang human rights group ang intelligence operatives ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa likod umano ng pagdukot sa dalawang anak ng pinatay na lider militante, kamakalawa sa Alabang, Muntinlupa City.
Ito ang ibinulgar kahapon ni Fr. Dionito Cabillas, isang Aglipayan Priest at director ng grupong Karapatan matapos itong dumulog sa PNP Press Corps sa Camp Crame kahapon.
Sinabi ni Cabillas na nabigo silang matagpuan sa detention cell ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa Camp Aguinaldo ang dalawa. Kinilala ni Cabillas ang mga nawawala na sina Rose Ann Gumanoy, 21, at kapatid na si Fatima, 17.
Ayon kay Cabillas, kasalukuyang patungo ang magkapatid sa Cavite mula sa Gen. Nakar, Quezon nang maghinala ang mga ito na may tumutugaygay sa kanila kaya’t nagpasyang makipagkita sa kanilang ina sa isang mall sa Alabang, Muntinlupa City dakong alas-4 ng hapon. Gayunman, nabigo ang ina ng dalawa na makita ang mga ito kasunod ng text message ng mga ito na sapilitan silang isinama ng mga naka-unipormeng sundalo at dinala sa Camp Aguinaldo.
Nabatid na si Rose Ann ay may kasong rebellion sa Infanta Regional Trial Court at pansamantalang nakalaya matapos maglagak ng piyansa.
Ang mga ito ay kapwa anak ni Eddie Gumanoy na kasama ni Eden Marcellana, Secretary General ng Karapatan sa Southern Tagalog na pinatay sa Bansud, Oriental Mindoro may limang taon na ang nakalilipas. (Joy Cantos)