Sinampahan na ng kasong kriminal ng Manila Police District (MPD) ang isang 20-anyos na service crew ng isang kilalang hotel matapos na su muko at umamin ito na siya ang pumaslang sa 70-anyos na dating Brgy Kagawad at landlady nila sa loob ng kanyang tahanan sa Tondo, Maynila noong Miyerkules ng madaling-araw.
Ayon sa pulisya, inamin ng suspek na si Michael Durana, 20, service crew ng Manila Pavilion Hotel na siya ang pumatay at lumaslas sa leeg ng biktimang si Conchita Abaga, biyuda, ng 1584 Felix de Leon St., Bambang, Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat, hindi umano alam ng suspek ang kanyang ginagawa dahil sa sobrang kalasingan kaya nito napatay ang biktima.
Ang suspek at ang kasamahang boarder nito ay galing umano sa inuman dahil sa kaarawan ng huli bago naganap ang pagpatay sa biktima.
Matatandaan na dakong alas-3:45 ng madaling-araw nang madiskubre na patay at laslas ang leeg ng biktima ng anak nitong si Maria Irma at asawa nitong si Emmanuel Buguis. (Grace dela Cruz)