Nabuko ng San Juan police ang bagong estilo ng mga ‘tulak’ ng iligal na droga at mga parokyano nito na tinatawag na “pre paid shabu” dahil sa panibagong pakikidigma ng kapulisan laban sa pagsugpo sa paglaganap ng iligal na droga.
Ayon kay San Juan Police Officer in charge Superintendent Eduardo Lorenzo, ang panibagong modus na ito ng mga ‘tulak’ ay ang pre paid shabu kung saan binabayaran na muna ng kostumer ang order nilang droga at pagkatapos ay ide-deliver ito ng ‘tulak’ sa isang lugar na hindi aakalain ng awtoridad na pwe deng gawing transaksyon para bagsakan ng shabu.
Ang bagong “modus operandi” ayon kay Lorenzo ay ginawa upang alisin na ng mga’ tulak’ at mga parokyano nito ang nakagawiang kaliwaan system kung saan pupunta ang kostumer sa tulak ng droga at doon kukuha ng shabu. Dagdag pa ni Lorenzo na natisod nila ang panibagong estilong ito matapos nilang maaresto ang isang big-time na tulak sa Brgy. San Perfecto ng nasabing lungsod nitong nakaraang Sabado.
Naging instrumental ang pagkatuklas sa bagong modus ng mga ‘tulak’ sa pamamagitan ng pagti-text ng mga concerned citizen. Matapos na makuha sa Info Text ang mga reklamo hinggil sa ginagawang modus operandi ng mga tulak ay agad nag sagawa ng surveillance operation ang mga tauhan ng San Juan police na nagbunga naman sa pagkakadakip ng sinasabing big-time na ‘tulak’ ng shabu sa Brgy. San Perfecto. (Edwin Balasa)