Isang kilabot na holdaper na nang-hostage pa ng isang roomboy ang nabaril at napatay, habang arestado naman ang dalawa niyang kasamahan matapos na holdapin nila ang mga pasahero sa isang jeep, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Nasawi noon din ang suspek na si Geraldson Josue, 23, ng BMBA Compound ng nabanggit na lungsod, habang nadakip naman ang kasamahan nitong sina Marlon Sunga, 24, at Jolito Magnaye, 23.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong ala-1 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa pagitan ng 2nd at 3rd Avenue Extention (RAE), Grace Park ng nasabing lungsod.
Nabatid na kasalukuyang nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 5, Caloocan City Police sa di-kalayuan sa pinangyarihan ng insidente nang mapansin ng mga ito na nagkakagulo sa kabilang kalye kung saan isang pasahero ang tumatakbo at nagsabing hinoldap ang kanilang sasakyan.
Mabilis namang nagresponde ang mga awtoridad at kanilang naabutan ang tatlong suspek na papatakas na humantong sa habulan na nagresulta sa pagkakaaresto kina Sunga at Magnaye.
Samantala ang nasawi namang si Josue ay pumasok sa Victory Hotel na matatagpuan sa kahabaan ng 3rd Avenue at hinostage ang roomboy na si Jason Delorino, 27, gamit ang isang patalim.
Hindi naman nasiraan ng loob si Delorino at nagawa nitong makipagbuno sa suspek hanggang makawala sa pagkakasakal na naging dahilan upang paputukan ni PO2 Allan Tolentino ang suspek na ikinamatay nito.
Narekober ng pulisya kina Sunga at Magnaye ang dalawang kalibre .38 baril at patalim na ginamit ng nasawing holdaper at mga ari-ariang kinulimbat ng mga ito sa kanilang biniktima.