Bumulagta ang tatlong hinihinalang notoryus na mga holdaper makaraang mapatay ang mga ito ng nag-iisang pulis sa naganap na shootout kahapon ng madaling-araw sa Mandaluyong City.
Kinilala ang dalawa sa nasawing mga suspek na sina Alex Galicia at Rodel Zaragoza, kapwa taga- San Jose St., Brgy. Mauway ng nasabing lungsod, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa isa pa nilang kasamahan.
Samantala, bahagya lamang nasugatan makaraang madaplisan ng bala sa katawan ang pulis ng mga suspek na nakilalang si Sr. Insp Hoover Pascual, nakatalaga sa Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force (AID-SOTF) ng Mandaluyong police.
Ayon sa ulat, dakong alas-3:30 ng madaling- araw nang matiyempuhan ni Pascual na sakay ng kanyang kotse at patungo sana upang bisitahin ang kanyang tatay ang mga suspek na nakasakay ng traysikel at hinoldap ang papauwing biktima na nakilalang si Lot Guillena, 30, sa kahabaan ng Coronado St. Brgy. Hulo, lungsod na ito.
Agad na rumesponde ang pulis at hawak ang kanyang shotgun ay sinigawan ang mga suspect na armado ng maiikling kalibre ng baril. Nagpakilala itong pulis at hinimok ang mga suspect na sumuko na lamang subalit imbes na matakot ay agad na pinaputukan ng mga ito ang naturang pulis.
Agad namang nakakubli si Pascual sa kanyang kotse at napilitan nang makipagpalitan ng putok sa mga suspek. Matapos ang ilang minutong palitan ng putok ay bumulagta na ang mga suspek.