Kamatayan ang idinulot ng umano’y pagiging palamura ng isang 39-anyos na security guard makaraang pagtatagain ng kanyang kainuman na minura ng una, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan si Norberto dela Peña ng #12 A. Santol St., Quezon City bunga ng tinamong mga taga sa ulo at iba pang parte ng kanyang katawan.
Patuloy naman ang isinasagawang pagtugis ng mga elemento ng Caloocan-PNP laban sa hindi nakilalang suspect na mabilis na tumakas matapos ang nasabing insidente.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:30 ng gabi nang mangyari ang nasabing krimen sa Blk. 4, East Libis, Brgy. 160, Baesa, Caloocan City. Bago umano ang insidente ay unang nakipag-inuman ang biktima sa suspect at biglang nagkaroon umano ng diskusyon sa pagitan ng mga ito dahil sa umano’y pagiging palamura ng una.
Sinabihan pa umano ng suspect ang biktima na tigilan ang pagbibitiw ng mga maaanghang na pananalita subalit hindi ito pinansin ng huli dahilan upang kunin ng una ang katabing jungle bolo at pinag-uundayan ng taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang huli.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspect, habang isinugod naman ang biktima ng mga barangay tanod sa pamumuno ni kagawad Florentino Timbol sa pagamutan, subalit sa daan pa lamang ay binawian na ito ng buhay. (Rose Tamayo-Tesoro)