Bebot tinarakan ang live-in partner

Nasa kritikal na kon­dis­yon ang isang 32-anyos na lalaki makara­ang resbakan siya ng saksak ng kanyang live-in partner na naunang ginawang punching bag ng una kahapon ng madaling araw sa Sta. Ana, Maynila.

Nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Marlon So­lano,  residente ng 2731 Road 5 Bagong Sikat, Punta, Sta. Ana Maynila bunga ng tinamong saksak  sa tiyan.

Hindi na lumutang pa sa lugar ang suspek na si Margarita Rondolo, 30, na mabilis na tumakas ma­tapos ang ginawang pana­naksak.

Ayon sa ulat, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa  loob ng inu­upahang bahay ng da­lawa. Nauna nang nagka­roon ng pagtatalo ang dalawa hang­gang sa pagsusuntu­kin ng lalaki na noon ay lasing ang suspect.

Dahil naman sa tina­mong mga pasa ng sus­pect, nagtungo ito sa kusina  at kumuha ng kut­silyo at saka mabilis na sinaksak ang mister.

Sinasabi ng ilang ka­kilala na madalas uma­nong mag-away ang magka-live-in  dahil sa pera na nauuwi sa pana­nakit   ng lalaki. Naisugod naman ng mga barangay tanod sa lugar ang lalaki habang ang suspek na misis ay ma­bilis na tumakas. (Ludy Ber­mudo)

Show comments