Ex-pulis timbog sa robbery with homicide

Arestado  ng pulisya ang isang dating pulis at hinahanting naman ang kasamahan nito na hanggang   ngayon ay aktibo sa serbisyo ma­tapos umano nilang  holdapin at  mapatay ang kanilang  naging biktima kamakailan sa Maynila.

Sa bisa   ng warrat of arrest dinakip si ex- PO1 Rogelio Tizon Jr., 33, na dating nakatalaga sa NPD at naninirahan sa Dagupan, Tondo dahil sa kasong robbery with homicide.

Samantala, patuloy na pinaghahanap   ang isa pang akusado na si P01 Ruben Baratas. Kinilala naman ang kanilang naging biktima na sina Christopher Lumbang at kasama nitong    isang Michael Cunanan.

Base sa rekord ng pulisya, naganap ang in­sidente noong Hulyo 27, dakong alas-11 ng umaga sa harapan ng isang sangay ng Security Bank, na matatagpuan sa panulukan ng North Bay Boulevard at Simeon St., Balut, Tondo, Manila.

Nabatid na  sakay ang mga biktima sa isang Toyota Vios, na may plakang  ZAM-916 nang  biglang harangin ng mga suspect na pulis na noo’y lulan sa isang motorsiklo. Nagdeklara ng holdap ang mga suspek at nang manlaban si Lumbang ay binaril ito ng naturang mga suspect na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Si Tizon ay nadakip ng mga kagawad ng NPD-DIID kahapon sa loob ng Fireforce Security and Detective Services, na matatagpuan sa 3rd floor Louilla Building, Mac Arthur Highway, Valenzuela City dahil sa kasong robbery with homicide. (Lordeth Bonilla)

Show comments