Nadakip na ng pulisya ang dalawa sa anim na suspek na humoldap at pumatay sa isang accounting staff ng isang kompanya matapos itong mag-withdraw ng halagang P130,000 sa isang sangay ng Metro Bank noong Miyerkules sa Makati City.
Nakilala ang mga suspek na sina Richard Gabriel at Leo Sadural na nadakip sa isinagawang follow-up operation sa Dasmariñas, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Magugunitang binaril at napatay ng mga suspect ang biktimang si Jaime Armando Cortez, 55, binata, accounting staff ng Echo Laizer Inc. at residente ng 3435 Adora St., Brgy. Tejeros, Makati City. Matapos mapatay kinuha ng mga suspect ang kawi-withdraw pa lamang nitong pera ng kompanya.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng manhunt operation ang pulisya laban sa natitira at nakakalaya pang mga suspek. (Lordeth Bonilla)