Tuluyan nang ipatatapon sa Mindanao ang limang pulis Maynila makaraang masibak sa kanilang puwesto sa MPD dahil sa pangongotong at pagnanakaw sa isang Chef ng isang hotel sa Malate, Maynila.
Ayon kay Supt Eleazar Mata, Hepe ng Manila Police District (MPD)-General Assignment Section (GAS), ididestino sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at Provincial Regional Office (PRO) 9 (Zamboanga City) sina Senior Inspector Rolando Mendoza; Inspector Nelson Lagasca; SPO1 Nestor David; PO3 Wilson Gavino at PO2 Roderick Lopena pawang nakatalaga sa MPD-District Mobile Force Unit (DMFU) makaraang ireklamo ni Christian Kalaw, 30, Chef ng Mandarin Hotel at residente ng 188 P. Torres St., Lipa City
Magugunitang si Kalaw ay sinita umano ng mga pulis habang nakaparada ang kanyang kotse dakong alas-10:30 ng gabi noong May 9, 2008 sa kanto ng Vito Cruz St. at Taft Ave., Manila. Inakusahan din ang biktima na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at kinuha ang P3,000 cash na nakalagay sa ashtray ng kanyang sasakyan. Matapos na walang makuhang cash sa kanyang ATM, puwersahang pinakain din siya ng shabu bago tuluyang dinala sa MPD-HQ kung saan tinakot umano siyang kakasuhan ng paggamit ng droga.
Gayunman, makakauwi lamang umano ang biktima kung makapagbibigay ito ng halagang P200,000 ka palit ng kanyang paglaya. Nakauwi naman ang biktima makaraang makapagbigay ng P20,000. Inaresto naman ang mga nabanggit na pulis makaraang kumalat sa e-mail ang ginawang pangongotong ng mga ito. Matapos maaresto ang mga ito ay kinasuhan sila ng robbery, robbery Extortion, grave threat at physical injuries bago sinibak sa puwesto. (Grace dela Cruz)