Sa kabila ng pagkakakumpiska sa posesyon ng 100 gramo ng shabu, tuluyang pinalaya ng Manila Regional Trial Court ang anak ni Manila Mayor Alfredo Lim matapos na makapagpiyansa na sa kasong drug pushing, trafficking, at paggamit ng iligal na droga.
Kinumpirma ni Philippine Drug Enforcement Agency-Metro Manila Regional Office chief, Sr. Supt. Benjamin Magalong na tuluyang tinanggap na ng Manila Regional Trial Court ang P400,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Manny Santos Lim.
Nabatid na una nang itinakda ang P600,000 piyansa para sa patong-patong na kasong drug pushing, using at trafficking kay Lim ngunit naipababa ito sa P400,000.
Habang isinusulat ito, dinala rin kahapon sa PNP Crime Laboratory Service si Lim upang isailalim sa medical exa mination bago tuluyang pakawalan.
Matatandaan na inaresto ng PDEA si Lim noong Marso 14 sa Pharaoh Hotel sa Sta. Cruz, Maynila kung saan nakuha umano sa posesyon nito ang 100 gramo ng hinihinalang shabu. (Danilo Garcia)