Halos hindi na makikilala ang isang pulis-Quezon City matapos na mabasag ang bungo at mawakwak ang hita nito nang bumangga ang minamanehong motorsiklo sa isang nakaparadang trailer truck sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi. Dead-on-the spot ang biktimang si PO2 Romeo Tayag, nakatalaga sa Quirino Police Station 9 ng QCPD at residente ng D-22 Kabitbayan, Navotas City. Ayon sa ulat, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Capulong Highway, Tondo. Minamaneho ng biktima ang kanyang asul na Honda Wave, may plakang (NM 7535) habang binabagtas nito ang naturang lugar nang sumalpok sa isang nakaparadang truck na may plakang (XKG 741) at may hilang trailer (NZC 183). Dahil sa lakas ng pagkakasalpok ng kanyang motorsiklo, nabasag ang bungo at nawakwak ang binti ng biktima na nagresulta rin sa kanyang agarang kamatayan. Nabatid na ipinarada ng driver ang kanyang truck dahil sa kakain lamang umano ito. Ang nasabing trailer truck ay pag-aari ng Paras Trucking. (Grace dela Cruz)