Riding-in-tandem sumalakay
Isang malawakang operasyon ngayon ang ini lunsad ng awtoridad laban sa mga miyembro ng sindikatong “riding-in-tandem” nang muling sumalakay ang mga ito at holdapin ang payroll money ng isang kompanya kung saan nagpaulan pa ang mga ito ng bala ng baril na ikinasugat naman ng dalawa katao, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Ayon sa pulisya, tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng mga suspect na umano’y nagtatago sa isang lugar sa Cavite. Dalawa umano sa tatlong suspect ay kinilala kahapon ng mga nakasaksi sa photo gallery ng Pasay City Police Criminal Investigation Division (CID). Tumanggi muna ang pulisya na pangalanan ang dalawang suspect habang nagsasagawa pa umano sila ng manhunt operation sa itinuturong safehouse ng sindikato sa Cavite.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-2:15 ng hapon, ang mga biktimang sina Mervin Leo Fernandez, 36, manager at Bella Landig, 33, secretary, kapwa ng Norton Block Enterprises na may tanggapan sa 2135 Park Avenue Mansion, Park Ave., Pasay City ay unang nag-withdraw ng P195,000 at $5,000 sa Metro Bank sa EDSA/Macapagal Ave., Blue Wave, Pasay City.
Paglabas umano ng banko ay agad na sumakay ang mga biktima sa itim na Nissan Sentra, may plakang ZLS-770 papunta sa kanilang opisina at hindi namalayan na nasundan sila ng tatlong armadong lalaki na nakasakay sa isang pulang Kawasaki 125 (OY 8553).
Pagsapit sa kanto ng Ignacio at F.B. Harrison Sts., hinarangan ng mga suspect ang kanilang daraanan at dalawa rito ang pumuwesto sa magkabilang gilid ng kotse at pinaputukan ang mga biktima sa loob ng sasakyan.
Sa insidente, nadaplisan ng bala sa noo ang sekretarya, samantalang tinamaan naman si Fernandez sa kanang hita.
Sinamantala ng mga suspect ang pagkakataon at naagaw sa sekretarya ang bag na kinalalagyan ng salapi saka mabilis na nagsitakas. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending