Naaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Botswanian national na pinaghihinalaang utak ng international human trafficking syndicate sa bansa.
Kinilala ni BI Commissioner Marcelino Libanan ang suspek na naaresto habang nasa aktong papasakay ng eroplano sa NAIA 2 patungong Vancouver na si Peter Lucky, may mga hawak ding pekeng travel documents.
Idinagdag ni Libanan na nais na namang magbalik ang sindikato ng mga human trafficking at gagamitin ang Pilipinas bilang daanan patungo sa iba pang destinasyon.
Kaagad namang ipina-deport ang suspek patungo sa Kuala Lumpur at inilagay na sa blacklist ng BI bilang undesirable alien at hindi na muling maaaring makapasok pa sa bansa.
Ayon kay Libanan, ang Pilipinas umano ang siyang paboritong transit point ng sindikato ng international human trafficking at nahinto lamang umano ito nang magkaroon ng reporma sa BI noong nakaraang taon.
Nabatid naman na dumating sa bansa ang suspek mula sa Malaysia isang araw bago ito maaresto ng mga operatiba ng BI at nang kuwestiyunin ay nagpanggap pa ito ng isang estudyante mula sa naturang bansa.
Subalit ang iprinisinta nito ay mga pekeng Botswania passport na mayroong mga pekeng immigration arrival stamps, bukod dito, hindi rin nito maipaliwanag kung bakit ito pupunta sa Canada. (Gemma Amargo-Garcia)