Kilala na ng Manila Police District ang anim na umano’y miyembro ng Waray-Waray gang na napatay matapos makipagbarilan sa pulisya noong Miyerkules ng hapon sa Tondo, Maynila.
Ang mga suspek ay sina Mario Fabillar, 28, ng Bldg 28, Unit 21, Permanent Housing, Balut, Tondo na nakuhanan ng Magnum 357; Rudy Singre, 33, isang obrero ng 59 Davila St., Navotas West, Navotas City na nakuhanan ng 9mm pistol; Jonar Montilla, 27, basurero, ng Bldg 21 Unit 223, Permanent Housing, Balut, Tondo na nakuhanan ng kalibre 38; Rodolfo Jamer, 37, isang obrero ng Bldg 5 Unit 515, Permanent Housing, Balut, Tondo na nakuhanan ng kalibre .45; Abriel Luciano, 28 ng Bldg 24, Unit 402 Paradise Height, Tondo na nakuhanan ng granada at Romeo Luciano, 44, ng 8 Taganahan St., Bagong Bayan, Navotas City na nakuhanan ng M21 Thompson.
Sinabi ng ilang staff ng Universal Funeral Homes na isang plano ng kanilang operasyon ang nakuha mula sa bulsa ni Jamer.
Personal na kinilala ang mga suspek ng kanilang mga kamag-anak na sina Wilfredo Fabillar, kapatid ni Mario; Leticia Montilla, nanay ni Jonar at Joana Jamer, asawa ni Rodolfo na nagtungo sa Universal Funeral Homes kamakalawa ng gabi at kumuha sa labi ng mga ito.
Gayunman, tahasan naman na tumanggi umano ang mga kamag-anak ng biktima na kumpirmahin ang illegal na trabaho ng mga suspek gayunman, inamin ng ilan sa kanila na Waray sila.
Magugunita na walo ang nasawi sa naganap na enkuwentro dakong 1:25 ng hapon noong Mieyrkules sa Del Pan bridge sa pagitan ng mga suspek at kapulisan kabilang ang dalawang sibilyan na sina Victor Constantino, 30, driver at Rolando Natividad, 50, Operations Manager ng Asia Brewery habang sugatan naman ang isang Elizalde Canares, 33 ng Chicago St., Port Area, Manila.
Kinumpirma rin ng pulisya na nakaw lamang ang sasakyan na ginamit maging ang plaka ng kulay maroon na Nissan Urvan (ZEY 692) makaraang lumutang ang mismong may-ari ng nasabing sasakyan. (Grace Amargo-dela Cruz)