Sekyu todas sa heat stroke

Isang security guard ang nasawi matapos na ma-heat stroke dahilan sa sobrang init ng panahon habang nagmamaniobra ng umaatras na pampasa­herong bus sa isang terminal sa Quezon City.

Dead on arrival sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) si Edvien Virador, 29-anyos, guwardiya ng Superb Security and Investigation Agency at nakatalaga sa Portes Bus Lines na nasa # 616 Aurora Blvd,. Barangay Kanlaon, Cubao.

Ayon sa imbestigasyon ni P03 Florencio Escobido, ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), dakong 2:10 ng hapon ng maganap ang insidente sa naturang bus terminal.

Bago rito, ipinapaatras ng biktima ang isa nilang pampasaherong bus nang bigla nitong sapuhin ang kaniyang dibdib. Ang biktima ay biglang natumba at namumutla ang katawan.

Mabilis namang sinaklolohan ang biktima na isinugod sa naturang ospital subalit nabigo na ma­isalba ang buhay nito.

Lumilitaw naman sa pagsusuri ng mga doktor na heat stroke ang ikinasawi ng nasabing sekyu. (Joy Cantos)

Show comments