Patay ang isang negosyante at isang security guard, habang dalawa naman ang malubhang nasugatan makaraang looban ng anim na armadong kalalakihan ang South Shop Grocery at paulanan ang mga una ng putok mula sa matataas na kalibre ng baril, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Joselito Antonio, 39, ng GSSI Security Agency at ang negosyanteng si Danilo Mauricio, 40; na tinamaan ng ligaw na bala habang ito ay papasok sa loob ng hinoldap na nabanggit na establisimyento na matatagpuan sa Palanyag St., Evacom, Brgy., San Dionisio, Parañaque City.
Ang guwardiyang si Joey Rosario, 33, ay malubha namang nasugatan matapos pagpapaluin sa ulo ng puluhan ng baril na unang tinutukan ng mga holdaper bago pinasok ang loob ng naturang grocery dakong alas-6:30 kamakalawa ng gabi.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO2 Odeo Carinio, kasalukuyang nagbabantay sa nabanggit na grocery si Rosario nang lapitan at tutukan ng baril ng apat na armadong holdaper at pilit na kinukuha ang kanyang service firearm.
Pumalag ang guwardiya kaya’t pinagpapalo siya sa ulo ng mga suspect na nakatawag naman ng pansin sa kasamahan niyang guwardiyang nasawi na si Antonio na agad nagresponde gamit ang isang shotgun.
Lingid sa kaalaman ng nasawi ay may dalawa pang kasamahan ang apat na suspect kung kaya’t hindi pa man siya nakakalapit sa tutulungang si Rosario ay agad na siyang pinaulanan ng bala ng dalawa pang holdaper.
Nagkataon namang papasok sa naturang grocery si Mauricio at isa pang biktima na hindi na nakuha pa ang pangalan kung kaya’t pati ang mga ito ay nahagip din ng bala sa katawan na siyang ikinamatay ng una at malubha namang ikinasugat ng huli.
Nabatid na hindi naman sinaktan ng mga suspect ang may-ari ng nasabing grocery na si Angel Dy nang kusa na niyang ibigay sa mga holdaper ang P120,000 cash at mga tseke na umaabot sa mahigit P1 milyon. Nang makulimbat na ang kanilang pakay ay agad na tumakas ang mga suspect sakay ng tatlong motorsiklo at mabilis na pinasibad ito sa hindi mabatid na direksyon.