Napatay ang isang 24 anyos na security guard matapos itong mabaril ng mga hinihinalang holdaper nang rumesponde ito kahapon ng umaga sa Pandacan, Maynila.
Namatay habang ginagamot sa Ospital ng Maynila sanhi ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulo ang biktimang si William Manguray, may-asawa, ng Bidbid St , Phase I, Navotas City
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa anim na armadong suspek na magkakaangkas sa tat long motorsiklo na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong 5:30 ng umaga nang naganap ang insidente sa harapan ng Metro gas station sa kanto ng Quirino Ave at P. Gil St., Pandacan, Manila.
Kasalukuyan umanong naka duty ang biktima nang mapansin nitong hinoholdap ng mga suspek ang binabantayang gas station sa nasabing lugar.
Dahil dito kayat tinangka nitong barilin ang mga suspek subalit hindi pumutok ang kanyang kalibre .38 na service firearm kaya siya naman ng binaril sa ulo ng isa sa suspek.
Hindi pa umano nasiyahan ang mga suspect at isa sa kanila ang lumapit pa sa biktima at kinuha ang kanyang baril bago muling binaril ito sa ulo.
Mabilis namang nilimas ng mga suspek ang kita ng gasolinahan na nagkakahalaga ng P5,000 mula sa kaherong si Edgar Maballo at Nokia 6630 ng isa pang empleyado na si Francis De Luna. (Gemma Amargo-Garcia)