Patay ang 32-anyos na lalaki makaraang tumilapon ito ng ilang metro habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Namatay dulot ng pagkabali ng tadyang ang biktimang si Christopher Asignado, residente ng #3707 Brgy. St., Lower Bicutan ng nasabing lungsod.
Nakadetine naman sa Taguig Traffic Enforcement Unit (TEU) ang driver ng pampasaherong jeep na may plakang PYX-601 na si Januario Oliveros, 37, ng #389 Proper Tanyag, Taguig City.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa harap ng PNCC Skyway East Service Rd., Tenement, Taguig City. Ayon kay Oliveros, binabaybay umano niya ang kahabaan ng East Service Rd. patungong Pasay habang nasa gawing kanan naman ang minamanehong motorsiklo ng biktima na Honda XRM 5572.
Nagulat na lamang umano siya nang bigla na lamang may kumalampag sa likurang bahagi ng kanyang jeep kung saan ay agad siyang huminto. Nang kanyang tingnan, nakita niya ang tumilapon na biktima hanggang sa bumagsak sa lupa. Dali-dali siyang bumaba ng jeep upang isugod ang biktima sa nabanggit na ospital subalit namatay ito habang nilalapatan ng lunas.
Nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide si Oliveros na nakapiit ngayon sa Taguig Traffic Police. (Rose Tamayo-Tesoro)