Dahil sa hindi matanggap ng isang mister na iniwan siya ng kanyang misis kasama ang kanilang dalawang anak, ipinasya nitong tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa lungsod ng Valenzuela, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Si George Fulgar, 29, factory worker, tubong Lingayen Pangasinan at residente sa #293 C. San Juan St., Paso de Blas ay natagpuan na lamang ng ilang kapitbahay na nakabitin sa kisame ng kanyang tahanan dakong alas-10:30 ng umaga.
Agad na ipinagbigay alam ng mga residente ang natuklasan sa pulisya kung saan tinangka pa itong iligtas ngunit huli na ang lahat.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ni PO3 Richard Bautista, bago nangyari ang pagpapatiwakal ng biktima ay nagkaroon ito ng hindi pagkakaunawaan sa misis na si Judy Rissa Fulgar na naging ugat upang iwan siya nito kasama ang dalawa niyang anak. Dahil dito, naging malulungkutin ang biktima at parating wala sa sarili hanggang sa matuklasan na lamang itong nakabitin sa loob ng kanyang tahanan.