King at Queen ng shabu, arestado
Naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang tinaguriang “Reyna at Hari” ng shabu matapos ang isinagawang entrapment operation kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang mga suspek na sina Susan Delliera, 43; at Roberto Timbang, 47, kapwa residente ng #620 Felina St., Sampaloc ng nasabing lungsod at kasalukuyang nakapiit sa District Anti-Illegal Drugs Special Operations Group (DAID-SOG).
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa kanto ng Fajardo at Felina Sts., Sampaloc.
Unang nakatanggap ng tawag ang MPD sa mga residente tungkol sa talamak na bentahan ng droga sa nasabing lugar na umano’y pinamumunuan ng mga suspek.
Ang mga residente rin sa nasabing lugar ang nagbigay ng bansag sa dalawa na “Hari at Reyna” ng droga dahil sa lantaran umanong pagbebenta ng illegal na drugs ng mga ito.
Dahil dito, kaya’t kaagad nagsagawa ng isang entrapment operations ang MPD-DAID sa pamumuno ni SPO4 Rafael Melencio at habang nasa aktong bumibili ng tatlong sachet ng shabu ang kanilang posseur-buyer ay inaresto ang mga suspek. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending