Naging mahigpit ngayon ang seguridad sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) matapos na tambangan at mapatay si Atty. Wynne Asdala, legal department officer ng komisyon kamakalawa ng tanghali.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, lubha silang nababahala sa isa na namang pamamaslang sa kanilang kasa mahan tulad na rin ng nangyari kay Atty. Alioden Dalaig na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Bagama’t nangangamba sa kanilang seguridad, pinayuhan ni Sarmiento ang kanyang mga kasamahan na huwag magpa-apekto upang hindi rin maapektuhan ang kanilang mga trabaho.
Nabatid kay Sarmiento na suportado nila ang resulta ng imbestigasyon ng Manila Police District na ang pamamaslang kay Asdala ay may kinalaman din sa pamamaslang kay Dalaig dahil 50 porsiyento ng sensitibong kaso ni Dalaig ay hawak ngayon ni Asdala.
Gayunman, hinihingi nila sa pulisya ang mabilis na resulta ng imbestigasyon upang matukoy kung sino ang pumatay sa dalawang opisyal ng Comelec at kung sino ang nasa likod ng krimen.
Samantala, ipatatawag ng MPD ang stenographer na kasama ni Atty. Asdala na si Rena Ballo ng maganap ang krimen.
Ayon kay MPD-Homicide chief Dominador Arevalo, kinakailangan umanong makapagbigay ng testimonya ni Ballo sa pulisya at mag bigay linaw sa likod ng mga pangyayari. Hindi pa umano nagpapakita si Ballo simula kamakalawa ng hapon nang mabaril si Asdala. (Doris Franche at Grace dela Cruz)