Nagpahayag ng posibilidad ang Department of Interior and Local Government (DILG) na maaaring pumayag ang apat na opposition mayor sa implementasyon ng single ticketing system kung sila ang hahawak sa operasyon nito.
Ito ang sinabi ni Undersecretary for Public Safety Atty. Marius Corpus kasabay ng pagsasabi na nakatakda na nilang resolbahin ang gusot sa Executive Order 712 sa pamamagitan ng pulong na pamumunuan ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte, ang kasalukuyan ring pangulo ng NCR Mayor’s Association.
Kabilang sa mga matinding kumokontra sa single ticketing sina Makati Mayor Jejomar Binay, Navotas Mayor Toby Tiangco, San Juan Mayor Joseph Victor Ejercito at Pasay City Mayor Pewee Trinidad. Hindi naman isasama ng DILG at Metro Mayors sa pulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) partikular na si Chairman Bayani Fernando na siyang nakakagalit ng mga alkalde.
Ngunit iginiit rin ni Corpuz na wala talagang magagawa ang DILG at Department of Transportation and Communications (DOTC) kung ayaw talaga ng mga alkalde na ipatupad ang EO 712 dahil sa hindi saklaw nito ang regulatory powers ng mga local government units sa kanilang teritoryo base sa Republic Act 7160.
Samantala, nanawagan kahapon ang mga transport groups ng pagbibitiw sa kanilang mga pwesto ang lahat ng mga Metro Mayors na patuloy na sumusupil sa pagpapatupad ng EO 712.
Sa panayam kay Efren de Luna, presidente ng Alliance of Concerned Transport Organization umapela ito sa mga alkalde na respetuhin ang EO 712 ng Malacañang kung hindi man, nanawagan ito na mag-resign na lamang o magbitiw sa kanilang mga pwesto ang mga Metro Mayors na ayaw tanggapin ang panawagan ng nakararami. Kasabay nito pumabor at nakiisa naman kahapon ang mga pribadong motor vehicle owners sa public utility vehicle sector para susugan ang implementasyon ng single traffic ticketing system sa National Capital Region, kasabay ng pag-apela ng mga ito sa mga local chief executives na tutol sa sistema na magbigay ng konsiderasyon sa isyu.
Kasabay din nito, nanawagan kahapon si Roberto Cruz, spokesman ng Private Motorists Alliance Coalition (PMAC) sa mga alkalde na isantabi muna ang kanilang personal na interes at ikonsidera ang interes ng nakararami partikular na ang mga apektado at kawawang mga PUV drivers at commuters. Ayon pa kay Cruz, ang paggamit ng OVR ay hindi lamang nakakaapekto sa mga PUV drivers dahil maging ang mga private vehicle owners ay biktima ng mga abusadong local traffic enforcers at matataas na multa na ipinapataw ng mga Local Government Units (LGUs). (Danilo Garcia at Rose Tamayo)