Nadakip ang isang pulis na umano’y namumuno sa sindikato ng “Bukas Kotse Gang” pati na ang dalawang mga galamay nito matapos ang isinagawang entrapment operation, kamakalawa ng hapon sa Makati City.
Nakilala ang nadakip na lider ng sindikato na si SPO1 Marcelino de Vera, 47, residente ng #4044 Gen. Lunas St., South Cembo, Makati City at ang dalawang kasama nito na sina Francisco de Vera, 32, at Miclebeth Villahermosa, 24, kapwa residente rin ng nabanggit na lugar.
Nabatid na ang pagkakaaresto sa mga suspect ay kaugnay sa reklamo ng isang sales engineer ng Yu Eng-Kao electrical supply na si Esfe Batal, 26, residente ng Martinez St., Villarial Court, Bacoor, Cavite.
Ayon sa pahayag ng biktima, dakong alas-6:45 ng gabi noong Pebrero 26, 2008, ipinarada niya ang kanyang kulay maroon na Ford Lynx na may plakang YEK-239 sa harap ng KFC, Blue Wave, D. Macapagal Avenue, Pasay City.
Matapos ang ilang oras ay binalikan ng biktima ang kanyang sasakyan at natuklasan na lamang nito na basag na ang kanang salamin sa likurang bahagi, kasabay ng paglaho ng kanyang manager’s check na nagkakahalaga ng P426,000; pouch bag na may laman na P14,000; silver bracelet na nagkakahalaga ng P1,000; passport; PAL airline ticket; company ID, duplikadong susi ng kotse at iba pang personal na kagamitan.
Ayon pa sa biktima, sa loob ng mahigit na isang linggo, nakipag-ugnayan ang mga suspect sa biktima at humihingi ng P20,000 kapalit ng passport at mga importanteng dokumento ng kompanya.
Kamakalawa, dakong alas-4:30 ng hapon, nakipagkita sa biktima ang mga suspect sa isang fastfood chain sa Guadalupe, Makati kung saan nakapuwesto na doon si Sr. Insp. Cesar Quirit ng Pasay City Police Community Precinct (PCP) 3 at ang mga tauhan ng follow-up section.
Matapos maiabot ang hinihinging salapi ng suspect at matanggap ng biktima ang passport at mahahalagang dokumento, agad na dinampot ang suspect.
Sa himpilan ng pulisya, nadiskubre ng mga awtoridad na isa rin palang pulis ang suspect at aktibo pa rin ito sa serbisyo hanggang sa kasalukuyan. Ito rin umano ang namumuno sa nasabing sindikato na kumikilos hindi lamang sa Pasay City kundi maging sa iba pang lungsod ng Metro Manila. (Rose Tamayo-Tesoro)