Patuloy sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa lokal na pamilihan matapos na pangunahan ng Pilipinas Shell ang muling dagdag 50 sentimos kada litro sa presyo ng kanilang produkto kahapon ng madaling-araw.
Dakong alas-12:30 ng mag-implementa ng panibagong 50 sentimos kada litrong dagdag ang Shell sa kanilang diesel, kerosene at gasoline.
Ayon kay Bobby Kanapi, tagapagsalita ng Shell, ang panibagong price hike ay kanilang isinagawa matapos ang muling pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan na ayon sa kanila ay umaabot na sa mahigit $105 kada bariles.
Hindi na umano kayang pasanin ng kanilang kompanya ang panibagong price hike na inimplementa sa world market kaya napilitan na silang ipasan ito sa consumers sa local market.
Dagdag pa ni Kanapi na kung patuloy ang ganitong trend sa world market hanggang sa mga susunod na linggo ay wala silang magagawa kundi ang muling magtaas ng presyo ng kanilang itinitindang petrolyo sa lokal na pamilihan.
Sa ngayon ay pumapalo na sa P37.65 ang presyo ng diesel ng Shell at P46.85 naman sa kanilang unleaded gasoline.
Hindi naman ginalaw ng kompanya ang presyo ng tindang Liquefied Petroleum Gas (LPG).
Dahil sa ginawang price hike ng Shell ay inaasahan na susunod pa ang ibang kompanya ng langis sa kaparehas ding presyo. (Edwin Balasa)