Isang tsuper ang nasawi habang sugatan naman ang helper nito matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang van sa sinusundan nilang trailer truck dahil sa umano’y matinding antok sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX), Muntinlupa City kahapon ng madaling-araw.
Namatay noon din ang biktimang si Gilbert dela Fuente, 47, tubong-Cagayan de Oro, habang ginagamot naman sa Ospital ng Muntinlupa ang helper nitong si Melo Alnas, 29, ng Cabuyao, Laguna, nagtamo ito ng malulubhang sugat sa kanyang katawan.
Sa report na nakarating sa tanggapan SLEX Traffic Management Group (TMG), naganap ang insidente dakong alas-3:50 ng madaling-araw sa may Susana Heights, Muntinlupa City.
Nabatid na patungo sa Cabuyao, Laguna ang delivery van na minamaneho ng mga biktima, may plakang REP-446, kung saan galing ang mga ito sa North Harbor dahil sa may delivery sila doon.
Dahil umano sa matinding antok, hindi namalayan ni Dela Fuente ang sinusundan nilang trailer truck at huli na bago makontrol ni Dela Fuente ang manibela kaya sumalpok sila rito.
Sa matinding impact, naipit ang katawan at hita ng biktima sa manibela na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Hindi naman huminto ang sinalpok na truck ng mga biktima. (Lordeth Bonilla)