Isang kapangalan o namesake ng aktor at TV host na si Joey de Leon ang namatay sa bugbog at saksak makaraang pagtripan at kuyugin ng isang grupo ng kalalakihan, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Namatay habang ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC) sanhi ng tinamong bugbog at saksak sa katawan si Joey de Leon, 26-anyos ng Phase 8B, Package 1, Block 44, Lot 13, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspect na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong ala-1 ng madaling-araw nang matagpuang nakahandusay ang duguang katawan ng biktima ilang metro lamang ang layo sa bahay nito.
Napag-alaman sa isa sa mga kapatid ng biktima na nasilayan na lamang niya ang kapatid sa labas ng kanilang bahay na nakahandusay at puno ng pasa ang mukha at may saksak pa sa katawan.
Kasama ang ilang mga kamag-anak ay agad naman umano niyang isinugod ang biktima sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na rin ito nagawang iligtas pa ng mga manggagamot. Nabatid na bago pa man umano nalagutan ng hininga ang biktima ay nasabi nito sa kanyang mga kaanak na kinuyog at binugbog siya bago pinagsasaksak ng isang grupo ng mga kalalakihan. (Rose Tamayo Tesoro)