Natapos ang iligal na gawain ng isang tinaguring “spiderman” makaraang madakip ito habang nasa aktong nagkakabit ng iligal na linya ng kuryente sa itaas ng poste ng Meralco, kamakalawa ng gabi sa Pasay City .
Nabatid na ang binansagang “spiderman” ay nakilalang si Eduardo Rodriguez, 54, tubong Catanduanes, residente ng 14-B San Juan St., ng nabanggit na lungsod ay isa lamang sa apat na suspect na matagal ng minamanmanan ng pulisya na sinasabing pawang mga “hustler”sa iligal na pagkabit ng kuryente.
Ang naarestong suspect ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7832 (Anti-Pilferage Law) ni Renato Antazo, representative ng Meralco Metering Section, Pasig Sector.
Nakuha naman sa posesyon ng suspect ang isang flashlight, flat screw driver, electric tape, test light, long nose, kutsilyo, 30-meter PLDT wire, at 72 meters stranded wire na ginagamit sa pagkakabit ng iligal na koneksiyon ng kuryente sa Pasay City.
Dakong alas-8:30 ng gabi nang maaktuhan ang suspect habang nasa itaas ng poste at ikinakabit ang kawad ng kuryente patungo sa squatters’ area sa San Juan St., Pasay City, dahilan upang agad na dakmain ito.
Napag-alaman pa na binabayaran ng mga resi dente kada buwan ng halagang P200-P300 ang suspect para sa iligal na koneksiyon ng kuryente. (Rose Tamayo-Tesoro)