Isang 47-anyos na babae ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang lalaki sakay ng isang motorsiklo sa harap ng kanyang bahay kahapon ng umaga sa Quezon City.
Hindi na umabot ng buhay sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Margie Castro, may-asawa, ng #12-D Mabuhay St., Brgy. Central, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang insidente dakong alas-9 ng umaga sa tapat ng kanyang bahay.
Ayon sa anak niyang babae, pababa na ang kanyang ina sa kanilang kotseng pulang Toyota Corolla (THP-951) nang biglang sumulpot ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo. Agad na tumabi ito sa biktima at sunud-sunod na pinaputukan ang ginang. Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril habang isinugod ang biktima ng anak nito sa pagamutan subalit binawian na din ng buhay.
Nabatid na ang biktima ay asawa ng isang Atty. Manuel Castro. Sa pahayag nito sa pulisya, wala siyang alam na kagalit ng kanyang asawa o maging ng kanilang pamilya kaya’t hindi makapaniwala sa pangyayari.
Sa kabila nito, patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaslang na maaaring may kinalaman sa propesyun ng asawa ng biktima. Inaalam rin ang anggulo ng land dispute dahil sa may nakabinbin na kaso sa lupa sa korte ang mag-asawa.