6 Koreano, Pinay dawit sa mail order bride kinasuhan

Anim na Koreano kabilang ang isang Pinay na nagre-recruit ng mga Filipino Overseas Workers (OFW) na nagiging mail order brides sa South Korea ang sasampahan ng kaso ng Na­tional Bureau of Investigation (NBI).

Inirekomendang kasuhan sa Parañaque City Prosecutors Office  sina Jenny Bon-Ao, resi­dente ng Unit 7-D Washington Tower Asia World City Paraña­que City, Park Song Ju; Lim Hui Kwon; Park Dae Wong; Jung Ji Won, ng Unit 6-A at Tele Caba­gong ng 628 Core House, Brgy Bangkal, Carmona, Cavite.

Kaagad naaresto ang apat habang sina Won at Cabagong ay patuloy pang  pinaghahanap  ng  mga awtoridad. 

Ayon kay NBI-Intelligence Special Operations Division (ISOD), Head Agent Sixto Comia, ang mga suspek ay kina­suhan base sa reklamo nina Shela Garcia; Gloria Vidar at Josalyn Lagaras, pawang resi­dente ng 1858 Estrada Oro B, Sta Ana, Manila. Base sa  rek­lamo ng tatlo, noong Setyem­bre 2007, inalok sila ng mga suspek na magtrabaho sa South Korea bilang mga factory workers sa mga kilalang kumpanya tulad ng Samsung, Sangyong at Dae­woo na may buwanang suweldo na US$600.

Subalit sa pag-uusap ng mga suspek at mga  biktima, sinabi ng una  na mahihirapan silang makakuha ng working visa para sa kanila kaya kinaka­ilangan nilang mag-asawa sa isang Korean national. 

Dahil dito kaya’t pumayag naman ang mga biktima at hini­ngan sila ng halagang P60,000 para sa  pag-aayos ng kanilang mga papeles na kaagad naman nilang binigay noong Oktubre 2007 na nagkakahalaga ng P40,000 na paunang bayad ng mga biktima.

Pinangakuan umano  ang mga biktima na makakaalis sila ng Disyembre 2007 subalit hindi ito natupad.

Isa sa kamag-anak ng bik­tima ang nakatuklas sa Philip­pine Overseas Employment Agency (POEA) na hindi lisen­siyado ang mga suspek na mag­padala ng manggagawa sa Korea dahilan upang magsum­bong sa NBI at isinagawa ang entrapment operations, habang nasa  aktong iniaabot ang balan­seng P20,000 sa mga suspek dakong alas-6 kamaka­lawa ng gabi sa Washington Tower.

Lumalabas sa imbestigas­yon ng NBI na si Bon-Ao ay may nakabinbin na warrant of arrest  sa kasong Mail Order Bride Law sa Parañaque Regional Trial Court (RTC) na inisyu ni Judge Estrella Macapagal.

Mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Estafa ang isinampa laban sa mga suspek. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments