Ex-military, pulis tugis sa Land Bank holdap

Tinututukan ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang sindikato na binubuo ng mga dating sundalo at pulis na siyang nanloob ng Land Bank of the Philippines nitong naka­ra­ang Martes.

Sinabi ni QCPD-Cri­minal Investigation and Detection Unit deputy chief, Supt. Marcelino Pedrozo, posibleng ang grupong “Ampang Co­langco group” ang may kagagawan ng panloloob sa Land Bank sa West Avenue.  Ito rin umano ang responsable sa na­ganap na panghoholdap sa United Coconut Planters Bank noong nakaraang taon.

Ang naturang grupo umano ay binubuo ng mga dating sundalo at na-dismiss na mga pulis  buhat sa ibang grupo sa Northern Tagalog at Southern Luzon na na­buwag na rin at muling nagsama-sama upang bumuo ng bagong grupo.

Sa CCTV video footage na nakuha ng bangko sa mga holdaper, lumalabas na pareho rin umano ang estilo ng grupo na binubuo ng 15 miyembro, may suot na itim na bonnet at mata­taas na kalibre ng maha­habang baril, habang isang babae rin ang kasama ng mga ito sa operasyon.  Pareho rin na malaki ang bilang ng mga holdaper na kayang ma­ki­pagsabayan sa pu­wersa ng pulis sa engku­wentro kung magigipit ang mga ito. Isa pang video foot­age na nakunan ng isang dayu­han sa labas ng bangko ang pinag-aara­lan ngayon ng QCPD.  Pinag-aaralan rin nina Pedrozo ang    mga nare­kober na sasakyan na Tamaraw FX at Toyota Corolla na malinis naman umano ang papeles sa Land Transportation Office (LTO).

Nabatid naman na higit sa P100,000 salapi ang natangay ng mga holdaper habang patuloy pa rin sa pagiging tahimik ng bangko kung nata­ngay o hindi ng mga sus­pek ang laman ng ka­nilang kaha de yero.

 Mistulang inamin rin nito na nasalisihan sila ng mga holdaper nang isa­gawa ng mga ito ang pangho­holdap habang abala ang puwersa ng pulisya sa pagbibigay seguridad sa mga ­ militanteng magsa­saka sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform at rally sa Mendiola.

Show comments