Isa sa tatlong holdaper ang kaagad na binawian ng buhay matapos makipagbarilan ang mga ito sa isang pulis na nagmamay-ari ng tindahan ng mga motorcycle spare parts na kanilang tinangkang looban kahapon ng umaga sa lungsod ng Caloocan.
Samantala, sugatan din ang pulis na nakasagupa ng mga suspect.
Kinilala lamang ng pulisya ang suspek na nasawi sa alyas Boy Toyo na nagtamo ng ilang tama ng bala sa katawan buhat sa isang kalibre 9mm. Samantala mabilis namang tumakas ang dalawang kasamahan nito.
Nilalapatan naman ng lunas sa Manila Central University (MCU) Hospital si SPO2 Rommel Sagala, nakatalaga sa Region 3 sa Pampanga, nagtamo ito ng tama ng bala sa balikat buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-7 ng umaga sa JJD Motorcycle Spare Parts, na pag-aari ni SP02 Sagala, na matatagpuan sa panulukan Rizal Avenue Extension at 8th Avenue, Caloocan City.
Nabatid na nagpanggap na mga kostumer ang mga suspek at kumatok sila sa nabanggit na tindahan kahit sarado pa ito.
Dala ng pagiging alagad ng batas ni Sagala, naramdaman niya na mga masasamang loob ang mga suspek, kung kaya’t bilang pain, pinapasok niya ang mga ito.
Dito na nilabas ng mga suspek ang kanilang mga baril at nagdeklara ng holdap, ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay dala na ni Sagala ang kanyang baril.
Naging maagap ang nabanggit na alagad ng batas, pinaputukan niya ang mga ito, subalit gumanti ng putok ang mga holdaper hanggang sa nakipagbarilan na ang mga ito.
Sa insidenteng ito, dead-on-the-spot ang isa sa tatlong holdaper at si Sagala naman ay tinamaan sa balikat nito. (Lordeth Bonilla)