Estudyante, 2 pa, pinagtripan

Bugbog-sarado ang isang nursing student gayundin ang dalawa pa nitong kaibigan nang pagtripan ng 10 kalalakihan sa harapan ng disco house sa Tomas Morato, Quezon City kamakailan.

Sa reklamo sa QC Police Kamuning Station, sinabi ni Louie Albert Serrano, 18 anyos, residente ng Proj. 7, Quezon City, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling-araw nitong Huwebes, Enero 10,  habang sakay siya ng kanyang kotseng Honda ESI ’96 model na may plakang UBE 583 at nakahimpil sa tapat ng Decades sa Tomas Morato kasama ang mga kaibigang sina Michael Mago Castro at Miguel.

Susunduin umano nila ang iba pang kaibigan sa naturang establisimiyento at habang naghihintay ay bigla silang hinarang ng isang Honda SIR gray na may plakang 8 sa unahan ng sasakyan at may car plate sa huling bahagi ng sasakyan na VAJ 168 at may blinker.

Isang Aron Lao ang nagpakilala sa mga biktima at paangas na sila ay pinagmumura. Hindi pa nasi­yahan si Lao, binasag pa ang salamin ng sasakyan ni Serrano. Habang sinisira ni Lao ang kotse ni Serrano, dumating pa sa  lugar ang ilan pang kasa­mahan ng una bago pinagtu­lungang bugbugin ang mga biktima.

Dagdag pa ni Serrano, tinutukan din siya ng baril ni Lao kaya napayuko na lamang ang binata at nagdasal pero naawat ito ng mga kasamahan nito.

Ayon kay SPOI Jeremy Felix ng QC Police Station 10, ang grupo ni  Lao ay kinasuhan na ng maliscious mischief and physical injury nina Serrano sa QC prose­ cutors Office habang patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya. (Angie dela Cruz)

Show comments