Isang tauhan ng pulisya ang nadakip ng kanyang mga kabaro sa isang entrapment operation makaraang madiskubreng nagre-recycle ng mga ebidensyang ilegal na droga sa mga kontak nitong drug pusher sa Quezon City.
Nahaharap ngayon sa pagkabilanggo at agarang pagkasibak sa tungkulin ang suspek na nakilalang si PO2 Joseph Viguilla, nakatalaga bilang custodian sa Quezon City Police District-Crime Laboratory Evidence Room.
Nabatid na nadakip si Viguilla matapos na unang maaresto ang kasabwat nitong si Mellisa Vallade, 34, at ang buyer nitong si Marlon Clemente, 36 sa isinagawa namang buy-bust operation sa Scout Chuatoco, Brgy. Roxas, ng naturang lungsod.
Sa ulat ni P/Insp. Rogelio Betita, hepe ng Station Anti-Drugs Division ng QCPD-Station 10, ikinanta umano ni Vallade si Viguilla na siyang nagsusuplay sa kanya ng iligal na droga. Agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga awtoridad dahil nagkataong nakatakdang mag-remit ng halagang P5,000 si Vallade sa nasabing pulis.
Nabatid na nadakip si Viguilla dakong alas-4:30 ng hapon sa bisinidad ng SM North Edsa kung saan narekober ang 80 gramo ng shabu na kanyang ipinuslit sa loob ng QCPD Crime Laboratory Office (CLO) na sinasabing mga physical evidence na nakalagak doon.
Napag-alaman na may street value na P200,000 ang nakumpiskang droga kay Viguilla na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa R.A. 9165 o “Comprehensive Anti-Illegal Drugs Act Law of 2002” bukod pa sa kasong administratibo.
Sinabi naman ni Station 10 commander Supt. Asperino Cabula na maaaring nakapagpupuslit na ng iligal na droga sa evidence room si Viguilla mula pa noong taong 2001 o 2002. (Danilo Garcia)