LRTA handa na rin sa Pista ng Nazareno

Handa na ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa pagdiriwang ng Black Nazarene sa Maynila bukas (Miyerkules)  kung saan inaasa­hang daang libong pasahero ang dadagsa at sasakay  sa dalawang linya ng tren.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni LRTA Administrator Melquiadas Robles na handa na sila sa inaasahang dagsa ng mga deboto sa nasabing pagdi­riwang.

Inaasahang aabot sa 600, 000 na katao ang   gagamit sa pasi­lidad ng Line 1 at Line 2 ng LRT bukas  kung saan sinabi ni Robles na ipinag-utos na niya ang agarang pagkansela sa lahat ng mga nag- leave o walang pasok sa nasabing araw upang magsilbi.

Pinaigting rin ni Robles ang mga pagkakaroon ng mga dagdag na tellers at mga seguridad partikular na sa lugar sa istasyon ng Carriedo, sa Sta. Cruz Manila.

Hindi naman umano bawal ang mga nakapaa na siyang papasok sa LRT ngunit nagpa­sabi na si Robles na inaasahan nila ang dagsa ng tao kung kaya’t sinasabi na nito ng ma­aga sa mga pipila na magpa­sensiya dahil sa kanilang ipapa­tupad na seguridad.

Sinabi ni Robles na hindi naman bumababa ang antas ng kanilang seguridad bagkus ay kanilang itataas para bukas.

Bagaman hindi sila magda­dagdag ng mga security per­sonnel o police, sinabi naman ni Robles na magiging sobrang mahigpit sila upang ma­iwasan  ng anumang masa­samang elemento na siyang magsa­mantala.

Ang line 1 ng LRT ay may biya­heng mula Baclaran at Monumento habang ang Line 2 ay bumabaybay mula sa San­tolan, Pasig hanggang sa Recto. (Edwin Balasa)

Show comments