Hinuli ng mga elemento ng Land Transportation Office (LTO) ang pitong taxi driver kasabay ng pag-iimpound sa kanilang minamanehong sasakyan matapos na ireklamo sa naturang ahensiya hinggil sa ginagawang pang-iisnab sa mga pasahero.
Ayon kay LTO Chief Reynaldo Berroya ang hakbang ay kaugnay ng kanilang ipinatutupad na programang “Oplan Isnabero” na patuloy na kampanya ng ahensiya laban sa mga isnaberong taxi drivers.
Kaugnay nito, sinabi ni Engr Fernando Quiambao, may 600 isnaberong driver ang naipatawag ng LTO na unang inireklamo dahil sa pag-isnab sa mga pasahero, contracting passenger at ’di maayos ang metro ng sasakyan.
Sinabi pa ni Quiambao na batay sa kanilang pagsisiyasat sa pitong nahuling taxi, dalawa dito ay walang franchise, dalawa ay walang dokumento habang ang tatlo ay walang nakalagay na LTO stickers para sa kanilang sasakyan.
“Ibig sabihin yung stickers nila hindi para sa unit na yun kundi sa ibang taxi unit o sasakyan,” dagdag Quiambao .
Una rito, sinuspinde na ng LTO ang may 1,400 isnaberong taxi drivers na unang nahuli ng LTO nitong nakaraang holiday season. (Angie dela Cruz)