Apat na hinihinalang kilabot na holdaper ang naaresto ng puwersa ng Marikina police sa dalawang magkahiwalay na insidente ng holdapan kamakalawa ng gabi sa nasabing lungsod.
Ayon kay Supt. Sotero Ramos Jr., hepe ng Marikina police, ang agarang pagkakadakip sa mga suspek na sina Ronoel Gocon, 21; Angelito Cruz, kapwa nakatira sa Bantayog Street, Concepcion Uno; Ricardo Eugenio at Christopher Ramos, 35, ay dahil na rin sa walang tigil na kampanya ng pulisya upang malinis ang masasamang elemento na naglipana sa lungsod.
Lumalabas sa ulat ng pulisya na dakong alas-11 ng gabi ng agawan ng cellphone ang biktimang si Jenalyn Diala, 20, dalaga, ng mga suspek na sina Gocon at Cruz, habang naglalakad ito pauwi ng kanilang bahay sa De Guzman St., Brgy. Concepcion Uno, ng lungsod na ito.
Ang nasabing insidente ay natiyempuhan naman ng nagpapatrulyang mobile patrol dahilan upang magkaroon ng maikling habulan na ikinaaresto ng dalawang suspek.
Bago ito ay pinasok naman ng tatlong mga suspek kabilang sina Eugenio at Ramos dakong alas-10 ng gabi ang Pan de Manila na matatagpuan sa kahabaan ng J.P. Rizal St. Concepcion Uno ng lungsod na ito ng magpanggap na mga kostumer ang mga ito.
Agad tinutukan ng mga suspek ng balisong at baril ang mga empleyado ng nasabing bakery at tinangay ang mga cellphone ng mga ito at kita ng nabanggit na establisimento saka mabilis na nagsitakas sakay ng kanilang motorsiklo.
Mabilis namang nakatawag sa himpilan ng pulisya ang empleyado ng nasabing bakery kaya agad na nagsagawa ng dragnet operation at checkpoints dahilan upang madakip ang dalawang suspek sa kahabaan ng J.P. Rizal sakop ng barangay Concepcion Uno. Nakatakas naman ang pangatlong suspek na nakilala lamang sa alyas na Edok na ngayon ay pinaghahanap na ng otoridad.
Nakuha sa dalawang suspek na nangholdap ng nabanggit na bakery ang balisong at baril na ginamit ng mga ito sa kanilang operasyon. (Edwin Balasa)