Na-rescue ng Makati City Government at Bureau of Fire Protection (BFP) ang labing-anim na katao na na-trauma nang maistranded ang mga ito ng ilang oras sa isang elevator na kanilang sinasakyan sa isang gusali, Makati City kahapon ng madaling-araw.
Base sa report, dakong ala-1 ng madaling- araw nang tumigil ang isang elevator ng The Columns Building, na may 31 palapag, na matatagpuan sa Malugay St., sa panulukan ng Ayala Avenue, ng nabanggit na lungsod.
Napag-alaman na nagkaroon ng power fluctuation cut ang kuryente nito, na naging dahilan upang umuga ito ng malakas hanggang sa tumigil ang elevator ng naturang gusali.
Kung saan naistranded ang labing-anim na pasahero dito nang halos mahigit isang oras, dahilan upang ma-trauma ang mga ito.
Kung kaya’t dali-daling nagresponde ang mga kagawad ng Makati City Rescue Team at BFP sa naistranded na mga pasahero.
Naging ligtas naman ang mga biktima at wala namang napaulat na may nasugatan sa nabanggit na insidente, maliban lamang na halos tulala ang ilang pasahero nito. (Lordeth Bonilla)