Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 29-anyos na beautician ng nobyo ng kaibigan nito matapos na mamagitan sa away ng mag-lover sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Namatay habang ginagamot sa United Doctors Medical Center (UDMC) ang biktimang nakilalang si Jonathan Utanes, alias “Jona”, stay-in beautician sa Ronald Salon The Epitome of Excellence na matatagpuan sa 806 Blumentritt corner Sto Tomas St., Sampaloc, bunsod nang tinamong mga saksak sa katawan.
Ginagamot din sa naturang ospital ang may-ari ng salon na si Ronald delos Santos, 39, binata sanhi ng saksak sa katawan.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang suspek na boyfriend ni Delos Santos na inilarawang may taas na 5’7’’, semi-kalbo, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng kulay itim na t-shirt at faded maong.
Sa report ni Det. Rommel Del Rosario, may hawak ng kaso at nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa loob ng Ronald Salon.
Sinasabing dakong alas- 11:40 ng gabi nang dumating si Utanes, isang Romy Agela, 32, beautician at suspek sa nasabing salon.
Umalis si Agela dakong alas-12:30 ng madaling-araw gayunman, nagpaiwan ang suspek at hinintay na magsara ang salon.
Humihingi umano ng pera ang suspek sa boyfriend nitong si Ronald subalit tumanggi umanong magbigay na nauwi sa mainitang pagtatalo. Namagitan umano si Utanes na lalong ikinainis ng suspek kaya’t naglabas ito ng patalim at walang sabi-sabing pinagsasaksak ito.
Pinigil naman siya ng kanyang boyfriend subalit siya naman ang binalingang pagsasaksakin.
Matapos ang pananaksak ay tumakas ang suspek at sa di kalayuan ay hinubad umano nito ang kanyang pantalon at iniwan ito upang hindi siya makilala.
Bago tumakas ang suspek ay tinangay pa umano nito ang isang cellphone, isang IPOD at wallet na naglalaman ng di mabatid na halaga ng cash ng mga biktima.