Sadistang mister arestado

Dahil sa walang dinatnang hapunan, nagwala ang isang lasenggong mister at pinagbubugbog ang kanyang mag-ina, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Naghihimas ngayon sa rehas na bakal ang suspect na si  Zosimo Balboa, 41, walang hanapbuhay,  ng Little Samar 3, Brgy.  San Jose ng nabanggit na lungsod.

Kinilala naman ang  mag-inang biktima na sina Emy at anak nitong si Lotlot na nagharap  ng reklamo sa tanggapan ng Women’s and Children Concerned Desk (WCCD) ng Navotas City Police  laban sa suspek.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas 8:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng pamilya Balboa sa nabanggit na lugar.

Ayon sa mag-ina, umuwing lango sa alak ang suspek at nagdadabog na humihingi ng makakain at dahil sa walang pagkaing maihain sa lalake ay nagsisigaw at nagwala itong parang asong ulol at sinimulan wasakin ang mga kagamitan sa bahay.

Hindi pa nakuntento ang suspek sa pagwawala ay pinag­buntunan pa nito ang kanyang anak na si Lotlot na pinagsisipa at sinuntok kung kaya’t inawat naman ng ginang, subalit maging ito ay binugbog din ng lalake.

Sa kabila ng pananakit ng katawan na nararamdaman ng mag-ina ay agad na tumungo ang mga ito sa nasabing himpilan ng pulisya upang humingi ng tulong na nagresulta sa pagka­kadakip ng suspek. (Lordeth Bonilla)

Show comments