Kritikal ang tatlo katao matapos na masabugan ng isang improvised explosive device na inihagis ng isang electrician, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Kasalukuyang nilalapatan ngayon ng lunas sanhi ng mga tama ng shrapnel sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang mga biktimang sina Maricel Tabaranza, Rochelle Abas at Raul Nasam, pawang nasa hustong gulang at mga residente ng Recomville Subdivision, Deparo ng nabanggit na lungsod.
Kaagad namang naaresto ng mga barangay official ang suspect na si Francis Veloria, 34, at residente ng Block 19, Sterling Street, Deparo, Caloocan City.
Batay sa ulat ni PO3 Josilito S. delos Reyes, may hawak ng kaso, dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Recomville Subdivision, Phase 3, Brgy. 170, Deparo ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na kasalukuyang naglalakad ang mga biktima nang sa hindi malamang kadahilanan ay biglang naghagis ng improvised explosive ang suspect sa kalsada at bigla itong sumabog na naging dahilan upang masapol ng shrapnel ang mga una.
Ang tatlong biktima ay kaagad na isinugod sa pagamutan habang ang suspect ay agad namang naaresto ng mga tanod sa kanyang bahay at nakuha dito ang pin ng nasabing pampasabog.