Anim na rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagtatago sa mga slum areas dito sa Metro Manila ang sumuko sa PNP at Philippine Army. Iprinisinta kahapon sa Camp Caringal sa Quezon City ang mga sumukong rebelde na sina Salik Kusain, alyas Aguila; Ams Kamin; Ibrahim Malacao; Amed Mayang; Nurodin Naga at Suwaib Reposumonsang. Isinuko rin ng mga rebelde ang kanilang mga armas na dalawang M-16 rifle, isang Thompson SMG rifle, dalawang kalibre .38 baril, isang shotgun at sari-saring bala ng naturang mga armas. Ayon kay Philippine Army-National Capital Region Command c-6 chief, Major Gen. Fernando Mesa, ang pagsuko ng mga rebelde ay bunga ng matagal na pakikipagnegosasyon ng kanilang puwersa.
Nabatid na nagtatago ang mga suspek sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila na bahagi ng mga rebelde na ikinalat sa Metro Manila para maghasik ng kaguluhan. Maaaring hirap at pagod na rin ang anim na rebelde kaya naisipang makipagtulungan na lamang sa pamahalaan. (Danilo Garcia)