Money changer nakapuntos sa NBI
Pinawalang-bisa ng korte ang ginawang pagsalakay ng National Bureau of Investigation sa isang foreign currency trading firm dahil sa paggamit nito ng isang depektibong search warrant.
Kasabay nito, inatasan ng Makati Regional Trial Court (RTC) na isoli ng NBI raiding team sa Performance Foreign Exchange Corp. (PFEC) ang mga nasamsam na dokumento at computer equipment.
Nabatid na noong nakalipas na tatlong buwan nang salakayin ng NBI ang PFEC na matatagpuan sa mezzanine ng Enterprise Building Tower 2, Ayala cor. Paseo de Roxas Avenues dahil sa reklamo ng isang George D. Palos hinggil sa pandaraya umano sa kanya ng libong dolyar.
Sa kautusan ni Judge Zenaida T. Galapate-Laguilles ng Makati RTC Branch‑143, pinayagan nito ang inihaing petisyon ng PFEC na kumukuwestiyon at nagpawalang-saysay sa nasabing Search Warrant na ginamit ng NBI Anti-Organized Crime Division (AOCD).
Ito’y matapos mabigo ang NBI na patunayan sa korte na ibinatay nila ang pagkuha ng Search Warrant sa inihaing reklamo ni Palos, na hindi naman umano isinaad sa reklamo ang elemento ng panloloko o pandaraya. Nilinaw ni Laguilles sa 5-pahinang kautusan, hindi maaring mag-isyu ng Warrant ang korte kung walang probable cause kaugnay sa partikular na detalyeng nilabag sa batas, na sinumpaan ng complainant at testigo na kaniyang maihaharap na tutukoy sa lugar na ririkisahin. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending