Isa na namang tauhan ng pulisya ang bumagsak ngayon sa kulungan matapos na maaresto kasama ang isa pang lalaki sa isang buy-bust operation, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Nakilala ang nadakip na parak na si PO1 Jeffrey Catungal, 31, nakatalaga sa PNP-Headquarters Support and Services Unit sa Camp Crame at ang kasama nitong si Edgar Encila, 44, ng Brgy. Pinagkaisahan, Quezon City.
Ayon sa ulat, naganap ang operasyon dakong alas-6 kamakalawa ng gabi sa #25 F. Manalo Street, Brgy. Pinagkaisahan.
Nabatid na isang tip ang natanggap ng pulisya buhat sa kanilang asset ukol sa iligal na operasyon sa pagbebenta ng iligal na droga sa naturang lugar. Agad na nagsagawa ng operasyon ang pulisya na ikinaaresto ng dalawa.
Itinanggi naman ni Catungal ang pagkakasangkot nito sa operasyon sa iligal na droga.
Nabatid rin na may anim na taon na sa serbisyo si Catungal kung saan inaalam rin QCPD ang iba pang kasamahan sa sindikato ng mga ito. (Danilo Garcia)