Isang pulis na miyembro umano ng sindikato ng droga ang pangunahing suspek ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamamaril sa isa nilang tauhan na binaril sa tapat ng isang paaralan sa North Fairview kamakalawa ng hapon.
Hindi naman agad pinangalanan ni QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) chief, Sr. Supt. Franklin Mabanag ang pinaghihinalaan nilang suspek sa pagbaril kay PO3 Amorlito Rosauro, miyembro ng Special Anti-Illegal Drugs Unit.
Ito’y upang hindi maalarma at magtago ito habang hinihintay pa nila na makarekober sa tinamong tama ng bala sa mukha si Rosauro bago sila magsagawa ng case build-up laban sa suspek.
Maaaring nakilala rin naman ni Rosauro ang bumaril sa kanya. Agad na kukunan naman ng pahayag ng pulisya ang biktima sa oras na makarekober ito sa kanyang tinamong sugat.
Matatandaan na binaril ng nag-iisang gunman si Rosauro habang sakay ito ng kanyang Toyota Tamaraw FX at hinihintay ang anak sa paglabas sa tapat ng North Fairview Elementary School. Masuwerteng nakaiwas ng konti ang biktima kaya hindi ito napuruhan ng bala ng kalibre .45 na ipinutok sa kanya ng suspek.
Nakatanggap naman ng impormasyon si Mabanag na may kaugnayan sa operasyon ng iligal na droga sa lungsod ang tangkang pamamaslang. Maaaring may kaugnayan umano ito sa operasyon ni Rosauro at mga hinahawakang kaso laban sa iligal na droga. (Danilo Garcia)