100 ‘rugby boys’ winalis ng PDEA
Tinatayang 100 katao na adik sa pagsinghot ng solvent ang pinagdadampot ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakalawa ng gabi bilang bahagi ng programa na linisin ang mga kalsada ng Metro Manila sa iligal na droga.
Nabatid na isinagawa ang operasyon sa mga kalsada ng Cubao, Balintawak, Delta, Tandang Sora at Fairview sa lungsod Quezon kung saan lantaran ang mga adik sa pagsinghot ng rugby. Tumagal ang operasyon ng hanggang madaling-araw ng Miyerkules.
Sinabi ni Supt. Jerome Baxinela, hepe ng PDEA-National Capital Region, karamihan sa kanilang dinampot ay pawang mga menor-de-edad. Nakatakdang ilipat ng PDEA ang kustodiya ng mga ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan isasailalim ang mga ito sa rehabilitasyon.
Ikukulong naman at sasampahan ng kaso sa pag-abuso sa droga ang mga dinampot na nasa legal na edad na.
Ang naturang operasyon ay bilang bahagi ng programa ng PDEA na drug demand reduction at paglilinis sa mga kalsada sa mga gumagamit ng iligal na droga.
Una nang sinisi ng PDEA sa mga lider ng mga lokal na pamahalaan sa kawalang aksyon sa lantarang paggamit ng mga kabataan sa rugby matapos na ipag-utos mismo ni Pangulong Arroyo ang pagresolba sa naturang problema. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending