Mister todas sa bayaw

Patay ang isang 19-anyos na mister makaraang pagsasak­sakin ito ng kanyang bayaw, ka­hapon ng madaling-araw sa Pasay City. Hindi na umabot pa ng buhay sa San Juan de Dios Hospital bunga ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Jo­nathan Mar­celino, ng 304 Edang St., ng nabanggit lungsod.

Kasalukuyan namang pinag­hahanap ng pulisya ang suspect na si Jawo Flores, 18, bayaw at kasama  sa bahay ng biktima na mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Batay sa ulat,  dakong alas-3 ng madaling-araw nang ma­ganap ang nasabing insidente sa bahay ng biktima at ng suspect.

Nabatid kay Jeniffer, kapatid ng suspect, lasing na dumating sa kanilang bahay ang kanyang mister at pilit na pilit na pina­bubuksan ang pintuan.

Dahil lasing ang mister ay natakot umano si Jennifer lalo na ng wasakin ng una ang pintuan at nang makapasok ay pinag­duduro ang babae at pinag­bantaan itong patayin.

Ang pag-aaway ng mag-asawa ay narinig naman ng kapatid ni Jennifer na natutulog noon sa kabilang silid at tumayo ito para awatin ang nag-aaway na kapatid at bayaw.

Dahil dito nagkaroon ng ma­initang pagtatalo ang suspect at ang bayaw na nauwi sa suntu­kan. Nakakuha naman ng pa­talim ang suspect at pinagsa­sak­sak sa iba’t ibang bahagi ng ka­ta­wan ang biktima na naging da­hilan ng agaran nitong pagka­sawi. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments