Nanawagan sa pamahalaan ang iba’t ibang transport groups sa pangunguna ng IUtak na mapayagan sila na makabili ng krudo mula sa mga dayuhang kumpanya ng langis na kanilang gagamitin sa pamamasada para makamura.
Sinabi ni Orlando Marquez, spokesman ng IUtak, samahan ng hanay ng transportasyon na kinabibilangan ng ACTO, FEJODAP, MJODA, ALTODAP, Pasang Masda na makakatipid sila ng halagang P8.00 hanggang P9.00 kada litro kung sila mismo ay papayagan ng pamahalaan na makadirekta sa international oil company para makabili ng gagamitin nilang krudo para sa mga pampasaherong jeep.
Mayroon na anya silang kinakausap na dayuhang kumpanya ng langis na tutulong sa kanila para maisagawa ang naturang hakbang.
Sa ganitong paraan anya, higit na makakatipid ang kanilang hanay sa gastusin at ang anumang pondo na malilikom sa katipirang ito ay maaaring magamit sa ibang pagkakagastusan ng kani-kanilang pamilya.
Sa kasalukuyan, ang pagkakaloob lamang ng P1.00 discount ng ilang piling kumpanya ng langis sa bansa ang tinatamasa ng mga operator ng mga pampasaherong sasakyan sa pagpapakarga ng krudo sa kanilang mga jeep. (Angie dela Cruz)