Posible na bago matapos ang taon ay lilitratuhan na ang lahat ng mga pasahero sa mga pampasaherong bus sa Metro Manila.
Ito ay batay sa resulta ng pulong kahapon ng mga opisyal ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), Commission on Human Rights (CHR), Philippine National Police (PNP) at bus operators kaugnay ng napipintong implementasyon ng proyekto.
Ayon kay LTFRB Chairman Thompson Lantion, layunin ng programang ito ang magkaroon ng pagkakakilanlan sa mga pasahero upang makatulong na maresolba ang mga holdapan sa mga pampasaherong bus lalo na sa Metro Manila.
Sa kanyang panig, sinabi ni CHR Commissioner Wilhelm Soriano na wala naman silang nakikitang paglabag sa kaparatang pantao sa programang ito kung ang proseso ay hahayaan lamang na makasakay ang mga pasahero sa mga terminal ng bus na hindi kailangan pang papilahin o tumayo ang mga pasahero upang makunan ng litrato.
Sinabi naman ni Efren de Luna, Pangulo ng Alliance of Transport Organization (ACTO) hindi makatwiran ang naturang hakbang dahil parang sumasailalim ang mga ito sa police line-up at mistulang nilalabag ang karapatang pantao.
“Kung wari may kasama akong number 2 eh di malaking away yan, paglabag yan sa aking karapatan,” pahayag ni de Luna.
Wala pa namang reaksiyon hinggil dito ang mga operators ng pampasaherong sasakyan sa mga probinsiya partikular ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP).
Sinabi naman ni Claire dela Fuente, Pangulo ng Integrated Metro Bus Association na hindi naman ito aplikable sa kanila dahil sa wala naman silang terminal sa Metro Manila. (Angie dela Cruz)