Street crimes prayoridad ni Razon

Ipaprayoridad ng bagong upong si Philippine National Police (PNP) Chief Deputy Director General Avelino Razon Jr., ang pagsugpo sa mga street crimes   sa mga urban centers sa bansa parti­kular na sa Metro Manila.

Sinabi ni Razon na 90 porsiyento  ng mga pulis sa bawat mga himpilan ay ipaka­kalat niya sa mga lansangan habang ang nalalabing 10 porsiyento ay sa mangangasiwa sa kanilang gawain sa mga opisina upang maging epektibo ang pagsugpo sa street crimes kabilang dito ay ang talamak na cellphone snatch­ing, holdapan, bag slashing, pandurukot  at  iba pa.

Ayon kay Razon, partikular niyang idedeploy ang mas malaking bilang ng mga magpapatrulyang mga pulis kabilang ang foot patrol, mobile patrol at motor patrol sa mga lugar na tinaguri­ang crime prone areas.

 Sa Metro Manila, kabilang sa mga ikinokonsiderang crime prone areas ay ang Aurora Boulevard, Quezon Avenue, sa Cubao, Quezon City; Quiapo, Taft Avenue, Tondo, Recto sa lungsod ng Maynila; Monumento sa Caloocan  City, kahabaan ng Edsa, ilang lugar sa Man­daluyong City partikular na sa bahagi ng Boni Avenue at iba pa na madalas pagtambayan ng mga elemen­tong kriminal na nambibiktima ng mga ino­senteng sibilyan.

Kaugnay nito, magpapakalat rin ng mga bus marshals si Razon upang mag­manman sa mga holdaper na kadala­sang nanghoholdap sa mga pasahero na bumibiyahe partikular na sa kaha­baan ng Edsa na napaulat na talamak na sa bus hold-up.

Maging sa bisinidad malapit sa mga university belts at mga malls ay paka­kalatan din ng  mga pulis  sa ilalim ng konseptong “Mamang Pulis” na ilalapit sa puso ng mamamayan. (Joy Cantos)

Show comments